PARA sa mga beteranong mambabatas sa Kamara, karapatan ng lahat pumuna pero hindi normal para sa isang kongresista atakihin ang kinabibilangang institusyon.
Sentimyento ng mga senior House members, walang puwang sa Kamara ang “unparliamentary attack” ng bagitong kongresista.
Partikular na tinukoy nina Deputy Speakers Paolo Ortega V ng La Union at Jay Khonghun ng Zambales ang ipinakitang asal ni Batangas Rep. Leandro Leviste sa pakyawang alegasyon ng vote-buying ng mga kapwa kongresista.
“Privilege is given to members so we can speak truth with courage, not so we can weaponize the floor for rumors, innuendo and baseless accusations,” ayon kay Ortega.
“What Rep. Leviste did was unparliamentary. Hindi porket congressman ka, pwede ka nang manlait, magparatang at mandamay ng buong institusyon nang walang hawak na ebidensya,” wika naman ni Khonghun.
Bilang pag-alma sa ‘personal and collective privilege’ ni Leviste, naghain ng mosyon ang mga senior House members na tanggalin sa plenary record ang mga binitiwang pahayag ng bagitong kongresistang wala naman anilang mailabas na pruweba sa pakyawang alegasyon ng vote-buying.
Payo kay Leviste — dumulog sa kinauukulang ahensya kung may hawak na ebidensya.
“If he has a complaint, he should lodge a proper complaint at the proper forum. Pero kung ang dala mo lang ay kuwento, hinala at personal na galit, hindi iyan accountability. Iyan ay paninira dressed up as a privilege speech,” punto ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin.
Hindi rin pinalampas ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila De Lima ang bagitong mambabatas sa aniya’y “general accusation” ni Leviste.
Paglalarawan ni De Lima sa mga alegasyon ng Batangas congressman, “offensive and unfair” lalo na sa House members na wala naman kinalaman sa vote-buying.
Ayon kay Ortega, na timayong presiding officer sa tensionadong sesyon, may karapatan ang mga kongresista na ungkatin ang inaakalang mahalagang usapin sa plenaryo pero sa paraang patas at may respeto sa mga kapwa mambabatas.
“We can disagree sharply in Congress, but we do not destroy reputations casually. Parliamentary privilege is a shield for truth, not a license for careless accusation,” giit ni Ortega.
“Ang hinihingi lang naman sa kanya ay respeto sa proseso at respeto sa kapwa miyembro. If you accuse, you must be ready to prove. If you cannot prove, you must have the decency to withdraw,” dagdag niya.
Dapat rin aniyang magsilbing magpaalala sa lahat na ang privilege speeches ay may kaakibat na responsibilidad at hindi dapat gamitin para atakehin ang personal o katunggali sa pulitika kung saan idadamay pa ang buong institusyon nila.
“Hindi ito usapin ng pagpigil sa isang kongresista na magsalita. Usapin ito ng pananagutan sa sariling salita, lalo na kapag ang tinatamaan ay dangal ng kapwa mambabatas at tiwala ng taumbayan sa institusyon,” aniya pa.
Sa panig ni Khonghun, hindi katanggap-tanggap ang nasabing akusasyon lalo na sa mga mambabatas na matapat na sumunod sa election law at nagsumikap para makuha ang mandato ng mga botante sa kani-kanilang lugar.
“Madaling magbitaw ng mabibigat na salita kapag headline lang naman ang habol mo. Pero hindi dapat gawing collateral damage ang buong Kamara para lang maging newsworthy ang isang privilege speech,” pahayag pa ni Khonghun.
Nagbabala ang Zambales lawmaker na ang mga maling paratang ni Leviste laban sa Kamara ay nagpapalala lamang sa kritismo at nagpapahina sa kanilang institusyon lalo pa’t walang ebidensya.
“May karapatan ang taumbayan sa katotohanan, pero hindi katotohanan ang hinala na pinalakas lang ng mikropono. Ang tunay na tapang sa public service ay ang magsalita nang may ebidensya, hindi ang magparatang tapos iiwan sa iba ang responsibilidad ng paglilinis ng kanilang pangalan,” pahabol ni Khonghun.
