HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, usap-usapan na sa senado ang panibagong kudetang naglalayon palitan si Senate President Alan Peter Cayetano.
Kabilang sa mga lumutang na pangalan ang tatlong dating Senate President — sina Senador Vicente Sotto III, Juan Miguel Zubiri at Francis Escudero.
Gayunpaman, wala umano sa tatlo ang napipisil ng Palasyo.
Sa isang panayam sa isang mapagkakatiwalaang impormante, pinag-aaralan ng administrasyon iluklok bilang bagong lider ng mataas na kapulungan si Senador Francis Pangilinan mula sa Liberal Party.
Mayo 11 nang isulong ng 13 miyembro ng senado ang isang resolusyong nagbigay-daan sa pagpapatalsik kay Sotto. Sa pagbaba ni Sotto, ipinalit si Cayetano.
Kabilang sa mga bumoto ang puganteng si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na tinangkang dakpin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Matapos ang bigong operasyon, pinagtibay ng kapulungan ang resolusyon na naglagay kay Dela Rosa sa “Senate protective custody” habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa inihaing petisyon ng kampo ng dating Philippine National Police chief.
Kinabukasan, umalingawngaw ang putukan sa loob mismo ng senate building, bunsod ng di umano’y panibagong tangka ng NBI pasukin ang senado para dakpin si Dela Rosa kasunod ng kumpirmasyon ng International Criminal Court (ICC) sa inilabas na arrest warrant sa nabanggit na senador.
Nang humupa ang gulo, tumakas si Dela Rosa.
