BIGO ang Office of the Ombudsman makakuha ng kopya ng CCTV footage sa naganap na putukan sa loob ng Senate building noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Ombudsman Crispin Remulla, hindi tinanggap ng Senado ang subpoena ng kanyang tanggapan bilang bahagi ng imbestigasyon sa nangyaring gulo na kinasasangkutan umano ng National Bureau of Investigation (NBI) at mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms.
“Nagkakaproblema ha. Yung aming process server, ayaw tanggapin sa Senate,” ani Remulla sa isang panayam sa radyo.
“Pero may notice na eh. Sabi nga ni [Senate President] Alan Cayetano dapat i-charge din si [NBI Director Melvin] Matibag. Ibig sabihin alam na nila na meron talaga silang suspension na. Pero ayaw nilang tanggapin. Di ko sila naintindihan. Kasi sa akin considered served na ‘yan ‘pag hindi nila tinanggap,” paliwanag ni Remulla.
Una nang pinatawan ng Office of the Ombudsman ng “six-month preventive suspension without pay” si Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na aminadong nagpaputok ng “warning shots” sa loob ng gusali.
“Para mag-warning shot ka sa law enforcement, you think that you are above the law. Nobody is above the law, I’m sorry,” aniya.
