HINDI lang sa senado nakakuha ng kakuntsaba si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagtakas para makaiwas sa napipintong pagdakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Sa isang Facebook post ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo, hindi lang si Senador Robin Padilla ang kasabwat ni Dela Rosa.
Aniya, malaking bentahe sa pagtakas ng puganteng senador ang politikong may-ari ng yateng sinakyan ni Dela Rosa.
Bagamat hindi tinumbok ni Tulfo ang pagkakakilanlan ng naturang politiko, nagbigay naman ng tip ang nabanggit na mamamahayag.
“Ang yate ay may pangalang “masarap na buhay” sa salitang English, ani tweety bird.”
Sa pagsasaliksik ng Saksi Pinas, lumalabas ang tinutukoy na yate ni Tulfo ay ang Happy Life, isang luxury vessel na pag-aari ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
“From the Senate, dumiretso sila ni Sen. Robin Padilla sa Manila Yacht Club kung saan sumakay sila ng yate ng nasabing politician na pumalaot patungong Batangas,” saad pa sa post ni Tulfo.
Mula naman umano sa Batangas, sumakay aniya si Dela Rosa sa chopper na napag-alamang dumiretso sa Mindanao.
“Pagdating ng Batangas ay nag-chopper si “Batman” patungong Mindanao, pero di na niya kasama si Robin, sabi ng tweet-tweet.”
Naganap ang pagtakas ni Dela Rosa pagkatapos ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13.
