PARA sa pamunuan ng Kamara, hindi katanggap-tanggap ang “back-to-back tripping” ng mga transmission lines ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Mismong si House Speaker Faustino Dy III, na sinegundahan ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang naghain ng House Resolution 1024 na nagsusulong ng “congressional investigation in aid of legislation” sa kabi-kabilang brownout sa Luzon at Visayas regions.
“Hindi katanggap-tanggap na milyon-milyong Pilipino ang nawalan ng kuryente dahil sa pagkabigo ng ating transmission system. Ang kuryente ay hindi luho — ito ay pangunahing pangangailangan na direktang nakakaapekto sa kabuhayan, negosyo, edukasyon, at araw-araw na buhay ng mamamayan,” pahayag ni Speaker Dy.
Giit ng Speaker mula Isabela, ang mga brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagpapakita ng “serious weaknesses in the country’s power transmission backbone” at marapat lamang na alamin kung mayroong dapat managot at agarang magpatupad ng kaukulang reporma o pagbabago.
“The back-to-back tripping of these major transmission lines exposed serious weaknesses in the reliability and resilience of our power grid. Kailangang malaman ng taumbayan kung ano talaga ang nangyari at kung may kapabayaan ba sa maintenance, monitoring, at compliance sa ating grid standards,” dismayadong pahayag ng lider ng Kamara.
Sa nasabing resolusyon, binigyan-diin ang “need for Congress to determine whether the incident was caused by ‘force majeure’ or by NGCP’s alleged failure to properly maintain and invest in the integrity of the national transmission system.
“It is imperative for the House of Representatives to determine if these incidents are a result of ‘force majeure’ or a failure of the NGCP to properly invest in and maintain the integrity of the national transmission backbone.”
Kabilang sa mga nais matukoy sa congressional inquiry ang maintenance, protection systems, at ‘N-1’ contingency compliance ng NGCP dahil ang pagkakaroon umano ng back-to-back tripping ng high-voltage lines ay seryosong bagay sa grid reliability.
Bukod dito, sinasabing nabigo ang NGCP na agad na ipagbigay-alam sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang insidente sa kabila ng umiiral na alituntunin – ang pagsusumite ng initial report sa loob ng 60 minuto kapag nagkaroon ng anumang system disruption.
“It is a serious concern that NGCP failed to promptly declare and report the Tayabas-Ilijan-Dasmariñas line trip to the relevant regulatory authorities at the time of the incident—notwithstanding the significance of the event and its immediate impact on grid stability.”
Samantala, inamin ni Dy na bahagi ng responsibilidad ng Kongreso tiyakin nasusunod ang probisyong nakasaad sa ipinagkaloob ng legislative franchise sa mga public utility firms.
“Kapag ang isang pribadong concessionaire ay binigyan ng napakalaking responsibilidad na pangalagaan ang national grid, dapat tiyakin na maayos, sapat, at napapanahon ang kanilang mga pamumuhunan at operasyon. Hindi pwedeng paulit-ulit na lamang tayong makararanas ng red alert, yellow alert, at malawakang brownout,” pahabol ni Dy.
