KUNG pagbabatayan ang CCTV footage na nakalap ng pulisya, walang bahid alinlangan na si Senador Robin Padilla ang tumulong sa pagtakas ng puganteng mambabatas na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, kumpirmadong sasakyan ni Padilla ang ginamit na getaway car ni Dela Rosa ilang oras matapos ang putukan sa loob ng gusali ng senado.
Aniya, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng DILG at Philippine National Police (PNP) sa mga kaganapan sa Senado matapos ang tensyon at lockdown sa gusali noong Mayo 13.
Pakay ng isang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) si Dela Rosa na sinasabing nagpatupad ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Nauna nang inamin ni Padilla na kanyang pagmamay-ari ang puting Toyota Fortuner na nakitang umalis ng Senado madaling-araw ng Mayo 14. Katunayan pa aniya, siya mismo ang nagmamaneho ng naturang sasakyan noong oras sa sinasabing namataan ang paglabas niya sa Senate building.
Gayunpaman, tikom ang bibig ni Padilla nang tanungin kung sakay niya sa loob ng sasakyan si Dela Rosa.
