PARA kay Justice Secretary Fredderick Vida, hindi maitatanggi ang totoong kaganapan sa likod ng putukan sa senate building noong Mayo 13.
“Nakita nyo naman mga kababayan ko, compelling yung facts that have been unearthed,” ani Vida sa Palace briefing kamakailan.
Kasabay nito, inilatag nina Interior Secretary Jonvic Remulla at PNP chief Gen. Melencio Nartatez Jr. ang ulat sa insidente sa loob ng Senate building na nagsilbing kalasag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na target ng arrest warrant ng International Criminal Court kaugnay ng madugong drug war ng Duterte administration.
Gayunpaman, nilinaw ni Vida na kailangan pa ring beripikahin at busisiin ng Department of Justice ang lahat ng ebidensya, kabilang ang timeline at pinanggalingan ng mga video.
Hindi rin muna pinangalanan ng Kalihim kung sinu-sino ang posibleng managot at kung anu-anong kaso ang posibleng isampa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng panel of prosecutors.
Bukod sa ulat ng PNP, nagsumite na rin ng report ang National Bureau of Investigation nitong Martes ng tanghali, ayon sa DOJ.
Pinuri naman ni Vida ang ambag ng PNP sa isinagawang imbestigasyon.
