PARA sa Korte Suprema maituturing na constructive dismissal ang unilateral na pagbabawas ng workdays at pagpapatupad ng worker rotation scheme nang walang pahintulot ng mga manggagawa.
Sa desisyong akda ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, pinanagot ng SC En Banc ang isang textile manufacturing company matapos bawasan ang anim na araw na trabaho ng pitong production workers sa dalawa hanggang tatlong araw kada linggo.
Ayon sa Korte Suprema, nabigo ang Fiber Textile Manufacturing Corp. na patunayan na simang-ayon ang mga manggagawa sa ipinatupad na work rotation at reduced workdays.
Nabatid din na hindi nakapagbigay ng abiso ang kumpanya sa Department of Labor and Employment (DOLE) bago ipatupad ang hakbang at hindi rin napatunayang may aktuwal o nalalapit na problemang pang-ekonomiya.
Binigyang-diin ng korte na maaring magpatupad ng flexible work arrangement ang mga employer sa panahon ng krisis, ngunit kinakailangang may pahintulot ng mga empleyado at alinsunod sa patakaran ng DOLE.
Dahil sa pagbawas ng araw ng trabaho at sahod, nanindigan ang Korte Suprema na hindi makatwiran para sa mga manggagawa ang magpatuloy sa kanilang trabaho kaya’t ito ay maituturing na constructive dismissal.
