PARA sa National Bureau of Investigation (NBI) ibayong ingat ang kailangan ng mga operatibang tumutugis sa puganteng senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa na target ng manhunt sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pulong balitaan, hayagang inihanay ni NBI Director Melvin Matibag si Dela Rosa bilang “armed and dangerous.”
“It’s our standard protocol that if we’re doing search or locating a fugitive from justice, ang presumption namin lagi is armado yan at delikado yung magiging approach,” wika ni Matibag.
Ayon sa NBI chief, umarangkada na rin ang ahensya sa paghahanap kay Dela Rosa sa mga lugar na posibleng pag taguan ng wanted na senador.
Nakahanda rin umano ang ahensya sa anumang posibleng insidente sakaling manlaban ang pugante.
“Lahat ng target of warrant, ang aming point of view, we will always be ready baka armado at lumaban ang ating subject,” sabi ni Matibag.
Panawagan ni Matibag kay Dela Rosa, kusang-loob na sumuko na lang para sa ikabubuti ng bansa.
