SA gitna ng patuloy na pamamayagpag ng fake news, humirit ng dagdag-mandato sa Kongreso ang National Bureau of Investigation (NBI) para panagutin ang mga trolls na nasa likod ng mga tinaguriang “deepfakes” sa ibinabalandra sa social media.
“We are probably proposing a bill na gawing batas ‘yung tungkol po dun sa pag-monitor nito, kasi wala tayong specific na batas. We’re always hearing ‘yung troll farms, may troll farms pero wala kaming legal basis or legal cover to go after troll farms,” wika ni NBI Director Melvin Matibag sa pagdalo sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant, Quezon City.
Sa ilalim ng umiiral na batas, limitado ang poder ng NBI sa mga ikinakasang operasyon. Partikular na tinukoy ni Matibag ang umano’y walang pangil na Anti-Cybercrime Law.
Pag-amin ng NBI chief, patuloy ang pagdami ng fake accounts na nasa likod ng “coordinated social media behavior” at ang paggamit ng “artificial intelligence” para sa pagpapakalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon sa tuwing may mainit na kontrobersya sa pulitika.
Ani Matibag, marami na rin naman umanong na-take down na fake accounts ang NBI sa pakikipagtulungan sa Meta, pero hindi pa rin sapat.
“From the time na dumating po ako sa bureau, I think we already took down about more than 2,000 accounts na po eh na wala talagang identity, personality. And some of them are now facing charges and some of them are under investigation,” dagdag pa niya.
“Ang mga nahuhuli namin in relation to Cyber Crime Law of 2012, yung halimbawa mga financial scam, love scam, mga ganyan. Those are mga POGO operators before na nag-collapse into different scam hubs no,” aniya pa.
Pagbibigay-diin ni Matibag, naiiba ang troll farm operations na ginagamit para magkalat ng naratibong palalabasing “credible.”
“Iyon naman sa troll, ito yung tinatawag nating in-authenticate coordinate behavior. Parang feeling nila, may isang source sila, palalabasin parang totoo yun,” paliwanag ng pinuno ng NBI.
“Then makikita mo mag-spread na totoo sa social media, marami ng mag-pick up, hanggang umabot na dun sa organic sa mga totoong accounts, yun ang problema and we’re addressing it,” dugtong niya.
Ani Matibag, kasalukuyan ay nasa proseso ang NBI ng pagkuha ng mga kagamitan para ma-detect at labanan ang naturang operasyon o sistema.
Hinggil naman sa AI-generated videos o “deepfakes,” sinabi ni Matibag na limitado rin ang kanilang kayang gawin para labanan ito.
“That’s the one that is part of our proposal to Congress, that should be regulated, kasi it somehow also violates your privacy from my point of view. Maganda man o pangit yung portrayal sa iyo sa AI na ginagawa.”
