PARA kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, higit na angkop unahin ang kapakanan ng bayan kesa bangayan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Alonto Adiong ang hidwaan sa hanay ng mga mambabatas sa Senado.
Apela ng kongresista, agad na resolbahin ang bangayan na lubhang nakakaapekto sa kredibilidad ng isasagawang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Paglilinaw ni Alonto Adiong, buong-buo ang respeto at pagkilala ng House prosecution panel sa kakayahan ng Senado plantsahin ang internal affairs ng mataas na kapulungan para manumbalik ang tiwala ng publiko sa proseso ng kongreso.
“Mahirap ‘yun kasi that would be a disservice to the public kung magkaroon ka ng dalawang korte. Never, maybe in the minds of the framers would they even anticipate na magkakaroon ng ganitong senaryo,” wika ni Adiong sa panayam ng programang Memo sa Bilyonaryo News Channel.
Giit ng Mindanaoan solon, dapat na magkaroon lamang ng iisa at mapagkakatiwalaang authoritative impeachment court.
“Hindi dapat magkaroon ng dalawa. I mean, it should not be a case where internal division between and among senators would result in national confusion,” dugtong ng mambabatas.
Nanawagan din ang tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel na dapat pairalin ng mga senador ang pagiging statesman, lalo pa’t umaasa aniya ang taumbayan na magiging patas ang mga senator-judges sa paglilitis sa pangalawang pangulo.
“This is a call not only for the Senate to immediately proceed with the trial, but this is also a call for statesmanship. And the people are evaluating individual senators in this case,” sambit pa ni Alonto Adiong.
Aniya, masusing pinaghahandaan ng House prosecution panel ang nakatakdang June 18 pre-trial conference at nananatiling nakatuon sa tungkuling paglalatag ng mga ebidensya at testigo sa impeachment court.
Kinumpirma naman ni Alonto Adiong na ang natanggap na nila ang pre-trial memo sa Gatchalian bloc na kinikilala ng House prosecutors.
“Hindi lang ang House nagre-recognize, even the Senate itself. Mayroon nang institutional recognition on the part of the staff and sa kabuuan ng institusyon na si Acting Senate President Win Gatchalian,” sabi pa ng kongresista.
“The important thing is for the impeachment trial to move forward in a credible, orderly, and constitutionally sound manner, with no room for confusion as to the authority of the court,” dagdag niya.
Samantala, kinastigo at itinuring ni Alonto Adiong na panibagong diversionary tactic ang paglutang sa Senado ng tinaguriang ‘Maleta Boys’
“Sila mismo naman talaga yung nagsasabi na they’re really known to be a supporter of the Vice President. So, makikita mo naman even during the Blue Ribbon Subcommittee, sila talaga yung nag-insist na kailangan mapunta doon yung 18 Marines,” dugtong niya.
“Kung titignan mo, from that circumstance alone, hindi mo rin pwedeng masisi ‘yung tao kung ang right away na magiging suspicion niya o magiging observation niya is attempt ito para malihis ‘yung usapin sa impeachment,” punto ni Alonto Adiong.
Kumbinsido ang mambabatas na ang motibo lamang sa pagharap ng mga nagpakilalang dating Marines sa Senado ay para ilihis ang atensyon ng publiko sa impeachment trial.
Matatandaan na maging si Alonto Adiong ay idinawit ng Maleta Boys, na kasama sa mga hinatiran ng bultong pera na nakalagay trolley bag bilang kickback umano ng una sa maanomalyang flood control projects – alegasyong agad na pinabulaanan ng mambabatas.
Una nang iginiit ng Lanao del Sur congressman na kung ang usapin ay ang sinasabing flood control anomalies, iniimbestigahan naman na ito at dapat hayaan na lamang sa Office of the Ombudsman, habang ang Senado matapos tanggapin ang hurisdiksyon ay mabuting tutukan at gampanan ang mandato nito sa impeachment proceedings.
“Ang duty nila (Senate) ngayon is to forthwith proceed with the trial.”
