WALANG plano makisawsaw ang Palasyo sa usapin ng pagiging state witness na kabilang sa pangunahing suspek sa likod ng maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Sa regular press briefing sa Malacañang, tumanggi si Palace Press Officer Claire Castro magbigay ng komento sa plano ng Ombudsman gamitin si former DPWH Secretary Manuel Bonoan para idiin ang iba pang akusado sa mga kasong may kinalaman sa flood control scandal.
Ayon kay Castro, hindi angkop na makialam ang Palasyo sa anumang polisiya at desisyon ng isang independent body tulad ng Office of the Ombudsman.
“Alam po natin na ito ay isang independent body at hindi tayo manghihimasok kung ano po ang proseso na gagawin ng Ombudsman,” wika ni Castro.
Una nang hiniling ni Rep. Antonio Tinio sa Ombudsman na isapubliko ang kasunduan para makipag tulungan si Bonoan bilang state witness sa flood control scam.
Sa mungkahing dapat ibalik ang akusado ang kinulimbat na pera, Ombudsman pa rin aniya ang dapat magpasya.
