TINABLA ng Quezon City government ang hirit ng kapatirang Iglesia ni Cristo (INC) sa mas pinalawig na permit para sa isinasagawang kilos-protesta sa EDSA.
Pag-amin ni Quezon City Department of Public Order and Safety Head Elmo San Diego, hiniling ng INC pahintulutan ang pagtitipon hanggang sa Hulyo 3.
Gayunpaman, hanggang alas 8:00 ng gabi na lang ngayong araw (Hulyo 1) ang inaprubahan ng lokal na pamahalaan.
“Yung hiningi nila is three days, tingin ko hindi namin maibibigay nang dire-diretso. Open ended yung permit. Titingnan muna namin kung maganda yung progress ng rally ngayon,” ani San Diego.
“Kung tingin ko, kaya pa namin i-secure, i-extend natin kung kailangan. Kasi pag sobra naman ang dami at medyo may problema na sa security tsaka public safety, that’s the reason na dapat putulin na muna natin tapos ituloy na lang kinabukasan,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga kondisyon ng permit ang pagsasagawa ng programa sa White Plains Avenue at Temple Drive lamang, walang total road closure habang isinasagawa ang aktibidad, at pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa lugar.
