GANAP nang tinapos ng Korte Suprema ang usapin sa legalidad sa implementasyon ng No Contact Apprehension Program (NCAP).
Sa desisyon ng Korte Suprema, tuluyan nang ibinasura ang lahat ng mga petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng NCAP dahil sa pagpapatupad ng Metro Manila Traffic Code of 2023 kung saan nakapaloob ang magkakatulad na balangkas para sa traffic enforcement sa 17 lokalidad na sakop ng National Capital Region.
Ibinasura rin ang mga petisyon dahil sa kawalan ng “legal standing” — bukod pa sa kabiguan ng petitioners na mas pinili ang “forum shopping” sa halip na “administrative remedies.”
Gayunpaman, nilinaw ng kataas-taasang hukuman na ang pagbasura ay hindi nangangahulugan na balido ang NCAP.
Anila, ang desisyon ay nakabatay lamang sa pagiging “moot” ng mga isyung inihain at hindi sa “constitutionality” ng programa.
Bagamat maaari pa umanong kwestyunin sa hinaharap ang “revised version” ng NCAP, nagpasya ang Korte Suprema na alisin muna ang temporary restraining order na inilabas noong Agosto 30, 2022 laban sa pagpapatupad ng NCAP sa Maynila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa, LTO at iba pang ahensyang nagpapatupad ng nasabing programa.
