SA inisyatiba ni House Speaker Faustino Dy III, inilunsad ng Kamara ang ‘Diwang Yakap’ project na nakatuon sa pagpapabuti sa mobility at iba pang suporta para sa persons with disabilities (PWD), senior citizens, mga kawani at iba pang nangangailangan ng tulong.
Sa ilalim ng naturang proyekto, magkakaroon ng mga wheelchair sa iba’t-ibang lugar ng House complex para tulungan ang mga indibidwal na makapunta sa partikular na opisina o sa kung saan nila kailangan tumungo.
Nagsasagawa na rin ng infrastructure improvements sa bisinidad ng Kamara para sa mas maayos na accessibility lalo na sa hanay ng PWDs.
“Today we affirm a foundational truth. Every single Filipino deserves to be seen, valued, respected and given an unhindered path to reach their full potential,” mensahe ni Dy, na ipinaabot ng Deputy Secretary General Atty. Maria Margarita Garalde-Chua sa isang simpleng seremonya.
Inilarawan ng ni Dy ang Diwang Yakap bilang isang pagpapahiwatig sa pangako ng Kamara na bigyang lakas ang mga Filipino, hindi lamang sa pamamagitan ng pagbalangkas ng batas, kundi maging sa tamang pagsisilbi sa mga taong nagsasadya sa Batasan Complex.
Sa panig ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, sinabi niyang ang nabanggit na proyekto ay bahagi na rin sa patuloy na pagdamay at pagbibigay ng people-centered public service ng Kamara.
“Today we gather not merely to launch a program but to reaffirm a fundamental principle that public service is at its best when it is compassionate, inclusive and accessible to all,” wika ni Garafil.
Umaasa ang House Secretary-General na magtutuloy-tuloy ang Diwang Yakap na higit pa sa mobility assistance, maging sa larangan ng health and rehabilitation services, educational opportunities, livelihood initiatives, accessibility programs, at iba pang responsive interventions para sa PWDs at pamilya ng mga ito.
Nabatid kay Garafil na nagkaroon ng katuparan ang proyekto sa pamamagitan ng donasyon ng Taiwan Association, Inc. of the Philippines (TAPh), sa tulong na rin ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO), ng 50 wheelchairs.
“Your generosity reminds us that when government and civil society work together with shared compassion, meaningful and lasting change is well within our reach,” pahayag ng lider ng Kamara.
Binigyang-pagkilala rin ni Garafil ang matagal nang pagtutulungan ng kanyang Taiwanese partners noong siya ang chairperson ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Bilang tugon, sinabi ni TAPh President Jia Hsieh na ang wheelchair donation ay kabilang sa kanilang “long standing charitable initiatives” sa Pilipinas, na isang pagtulong at higit na pagpapatibay sa matagal nang pagkakaibigan ng Taiwan at Pilipinas.
Samantala, ang Diwang Yakap ay nakapaloob sa ‘Alagang Kongreso Program’ ng House of Representatives, para sa mas inklusibo, madali at mabilis na pagpapaabot ng tulong sa bawat mamamayang Pilipino.
