TAMA na, sobra na. Ito ang karaniwang sentimyento ng mga consumer sa gimbal na kalakip ng buwanang singil ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga kabahayan at maliliit na negosyo.
Ito rin marahil ang nagtulak kay Senador Panfilo Lacson na nagsusulong ng isang “senate investigation in aid of legislation” sa tinaguriang “bill shock” ng dambuhalang kumpanya.
Partikular na sisilipin ni Lacson ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, irregularidad sa pagbasa ng metro, at system losses na pinapasa sa pangkaraniwang Pilipino.
Sa inihaing ng Senate Resolution 511, target ng senador magsagawa ng imbestigasyon upang mapalakas ang transparency, accountability, at consumer protection sa industriya ng kuryente.
Sabi ni Lacson, ang mataas na halaga ng kuryente ay naglalagay ng hindi katimbang na pasanin sa mga pamilyang Pilipino, manggagawa, at mga negosyo.
Aniya, tungkulin ng estado itaguyod mainam na kalidad ng buhay, alinsunod sa Section 9, Article II ng 1987 Constitution.
Subalit naging kapuna-puna ang “substantial and unexplained increases” na ipinatupad ng Meralco — sukdulang umalma ang mga consumers sa Metro Manila at mga karatig probinsyang hinahatiran ng kuryente ng nasabing kumpanya.
Bukod sa Meralco, isinusulong din ni Lacson isalang sa imbestigasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco at apat na power generation companies na posible aniyang nagsabwatan para pahirapan ang mga Pilipino.
Bukod sa mga pagtaas sa halaga ng konsumo, may agam-agam rin umano ang mga consumer sa umano’y mga iregularidad sa meter readings, gayundin sa mga singil na kaugnay ng system loss charges, na sumasaklaw sa technical at non-technical losses sa transmission at distribution ng kuryente.
