WALANG plano makialam ang Palasyo sa napipintong pagsasampa ng kasong kriminal laban kay dating House Speaker Martin Romualdez na sinasabing mastermind sa likod ng flood control scandal.
Sa regular press briefing sa Malacañang, hayagang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang aasahang tulong mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dating lider ng Kamara, kesehodang magkamag-anak pa sila.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na dapat manaig ang ebidensya sa pagpapasya ng Office of the Ombudsman na nag-iimbestiga kay Romualdez.
“Hindi po makikialam ang Pangulo sa anumang pag-iimbestiga. Sabi nga po natin at ang sabi rin po ng Pangulo, kahit sino po ang maapektuhan nito, kung saan po pupunta ang ebidensya, sundan na lang po natin,” wika ni Castro.
“So, kung ano po ang mangyayari sa anumang pag-iimbestiga dito, hindi po makikialam ang Pangulo at tatanggapin po ito,” dugtong ng tagapagsalita ng Palasyo.
Kamakailan lang nang ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang nalalapit na paghahain ng kasong plunder laban kay Romualdez kaugnay ng flood control scandal.
Samantala, nanindigan ang kampo ng dating House Speaker na walang sapat na ebidensyang magdidiin kay Romualdez. Handa rin aniya ang mambabatas harapin ang kaso — kung meron man.
