MATAPOS ilaglag bilang Senior Deputy Speaker, pinabulaanan ni Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang di umano’y planong palitan si House Speaker Martin Romualdez.
Sa dalawang-pahinang pahayag, inamin ni Arroyo na target niyang pamunuan ang Kamara matapos ang halalan noong nakalipas na taon – ambisyon na aniya’y binaon na niya sa limot matapos mapagtantong mas komportable si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatrabaho sa Kamara ang isang kadugo.
Magpinsan sina Marcos at Romualdez.
“When President Marcos won, I wanted to aspire for the Speakership of the House. But it soon became apparent that he was most comfortable with then Congressman Martin Romualdez as Speaker,” wika ni Arroyo sa kanyang pahayag.
Usap-usapan sa Kamara ang pagkakahati ng mayorya bunsod ng sinapit ni Arroyo na na di umanong nasa likod ng planong patalsikin si Romualdez bilang lider ng Kamara.
Partikular na tinukoy ng mga kaalyado ni Romualdez ang pagbiyahe ni Arroyo kasama ang ilang prominenteng kongresista sa bansang South Korea kung saan di umano pinag-usapan ang planong patalsikin ang House Speaker.
Para kay Arroyo, intriga lamang ang ouster plot na ibinibintang sa kanya.
“It should be noted that being speaker once more is no longer part of my political objectives. This has been my position ever since Speaker Romualdez was elected in the 19th Congress, and I continue to urge my Lakas-CMD party mates to support our party president in that role,” ayon sa dating Pangulo.
“By this disavowal, I hope that we can preempt any needless politicking so that the House and our President can focus on the job at hand with minimum distraction,” dagdag pa niya.
Pag-amin ni Arroyo, hindi niya inaasahan ilalaglag siya ng mga kapwa kongresista.
Inihalal na kapalit ni Arroyo si Pampanga 3rd District Rep. Dong Gonzales.
Samantala, nagpahayag ng suporta kay Romualdez ang mga mambabatas mula sa Nacionalista Party, PDP-Laban, National Unity Party at minoryang pinamumunuan ni Rep. Marcelino Libanan.
Sa mga nakalipas na panahon, nakilala si Arroyo sa husay sa larangan ng pulitika matapos malusutan ang kabi-kabilang eskandalo sa ilalim ng kanyang termino bilang Pangulo.
Taong 2018, pinangunahan ni Arroyo ang pagpapatalsik sa noo’y House Speaker Pantaleon Alvarez.
