SA gitna ng bangayan sa pagitan ng dalawang prominenteng personalidad sa loob ng Lakas-CMD, nagbitiw bilang miyembro ng pinakamalaking partido si Vice-President Sara Duterte.
Sa isang maikling pahayag, dumistansya si Duterte sa aniya’y namumuong hidwaan sa pagitan nina House Speaker Martin Romualdez at ang pinatalsik sa Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Si Romualdez ang pangulo ng Lakas CMD, habang president emeritus naman ang titulo ni Arroyo sa naturang partido.
“I am here today because of the trust of the Filipino people in me to lead and serve them and the country, and this cannot be poisoned by political toxicity or undermined by execrable powerplay,” saad ng pahayag ni Duterte na tumatayong Kalihim ng Department of Education (DepEd) at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Una nang nilaglag si Arroyo bilang Senior Deputy Speaker bunsod ng di umano’y planong pagpapatalsik kay Romualdez bilang lider ng Kamara – bagay na pinabulaanan na ng dating Pangulo.
Bilang tugon sa hidwaan, naglabas naman ng kanya-kanyang pahayag ng suporta kay Romualdez ang Nacionalista Party, PDP-Laban, National Unity Party at maging ang minoryang pinamumunuan ni Rep. Marcelino Libanan.
Sa mga nakalipas na panahon, nakilala si Arroyo sa husay sa larangan ng pulitika matapos malusutan ang kabi-kabilang eskandalo sa ilalim ng kanyang termino bilang Pangulo.
Sa ilalim ng administrasyon ng amang dating Pangulo Rodrigo Duterte, pinangunahan ni Arroyo ang pagpapatalsik sa noo’y House Speaker Pantaleon Alvarez.
Karagdagang Balita
PAGDALO NI DIGONG, TABLADO NA SA QUAD COMM
PERA-PERANG POGO RAID, TATALUPAN NG KAMARA
BINAWING SUSPENSION ORDER VS. ERC CHIEF, FAKE NEWS?