TULUYAN nang pinagtibay ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong patatagin ang tinatawag na “digital infrastructure” sa bansa.

Sa botong 198 ang pabor, 3 ang tutol at isang abstention, inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 9605 (National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026) na naglalayong labanan ang fraud, identity theft, data breaches at ransomware.

Target din ng HB 9605, na kabilang sa mga priority legislative measures na isinusulong ng Palasyo, tiyakin matatag ang mga government websites na nagbibigay ng ginhawa sa bisa ng “online services and transactions.” asama 

Sa isang pahayag, iginiit ni House Speaker Faustino Dy III ang kahalagahan magkaroon ng ligtas at matatag na digital infrastructure.

“The more our lives become dependent on digital systems, the greater the threats posed by cyberattacks. Kaya kinikilala ng Kamara na kailangan nating palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang ating mga kababayan laban sa mga bantang ito,” pahayag ni Dy.

“Kung magkaroon ng cyberattack sa mga kritikal na sistemang ginagamit sa kuryente, telekomunikasyon, bangko, at iba pang mahahalagang serbisyo, posibleng libu-libong Pilipino ang maperwisyo. Kaya kailangan nating maging handa bago pa mangyari ang ganitong insidente,” dugtong ng lider ng Kamara.

Pangunahing nilalaman ng HB 9605 ang pagtatatag ng National Cybersecurity Agency (NCSA) sa ilalim ng Office of the President, bilang primary government body na responsable sa national cybersecurity policy, planning, coordination at implementation.

Ang NCSA aniya ang magtatakda ng minimum cybersecurity standards, audit critical information infrastructure, coordinate responses kapag mayroong cyber incidents at palakasin ang threat-intelligence sharing.

“Ang cybersecurity ay hindi lamang usapin ng teknolohiya. Usapin ito ng seguridad, serbisyo, at kapakanan ng bawat Pilipino. Kailangang may malinaw na pamantayan, may nakatutok na ahensya, at may kakayahang tumugon agad kapag may banta,” punto pa ng House Speaker.

“Maaaring teknikal ang cybersecurity pero simple ang layunin nito. Sa likod ng bawat system, bawat account, at bawat transaction ay isang Pilipinong umaasa na ligtas ang kanyang impormasyon at serbisyo. Iyan ang dapat nating protektahan.” 

Sa ilalim ng HB 9605, palalakasin ang national incident-response capabilities ng bansa, sa pamamagitan ng National Computer Emergency Response Team at isang National Security Operations Center, habang nagsasagawa ng mahigpit na coordination sa iba pang government agencies, law enforcement, intelligence agencies, critical infrastructure operators at stakeholders. 

Samantala, sa pag-apruba ng Kamara sa HB 9605, pumalo na sa 28 sa 60 LEDAC priority measures ang nailusot na sa ikatlo at huling pagbasa.

“Ang Bagong Kongreso ay kumikilos hindi lamang para tugunan ang mga problema ngayon, kundi para paghandaan ang mga banta ng bukas. Sa isang digital na Pilipinas, dapat kasing tibay ng ating pag-unlad ang ating seguridad.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *