TIKOM ang bibig ng mga politiko sa mga malalayong lalawigan sa usapin ng systems loss na sinisingil sa mga konsyumer.

Ayon kay Senador Erwin Tulfo, naging kalakaran sa mga probinsya na isama sa systems loss ang bayaring katumbas ng konsumo ng mga politikong kasosyo — kung hindi man nagmamay-ari ng kooperatibang nangangasiwa sa paghahatid ng kuryente sa mga konsyumer sa nasasakupang lokalidad.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, hayagang sinabi ni Tulfo na ang mga “unpaid bill” ay kinokonsiderang non-technical losses na ipinapasa sa mga konsyumer.

“Because pag-aari ng politiko tulad ng governor, ng mayor, congressman… kaya wala nangyayari…kaya pagtiisan na lang natin dahil kay governor yan, kay mayor yan. Iyon ngang ibang pulitiko hindi pag nagbabayad ng kuryente. What in the world is that?… ang pumapasan mga konsyumer,” anang senador na tumatayong chairman ng nasabing komite.

“Nawala ang kita [ng mga konsyumer] dahil si mayor, si governor hindi nagbabayad, so pasan-pasan ng tao, yun po yung masakit eh,” dagdag niya.

Gayunpaman, walang partikular na tinukoy si Tulfo.

Samantala, kinumpirma ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Mariano Almeda ang ibinunyag na kalakaran sa mga probinsya sa labas ng Metro Manila. 

Gayunpaman, nilinaw ng NEA administrator na nabawasan na umano ang kaso ng mga politikong hindi nagbabayad ng kanilang bill sa kuryente. 

Sakali man aniyang maulit, tiniyak ni Almeda na puputulan ng supply ang mga politikong ayaw bayaran ang halagang katumbas ng nakonsumong kuryente.

“Pag maulit ang aking direktiba sa kanila, putulan ninyo. And may mga politiko na pinutulan namin at tatawag po sa akin eh sasabihin ko lang sa politiko, eh wala ho tayong magagawa iyan ang polisiya, nagbabayad naman ho. Yung mga episode na naman ‘yan nabawasan na po,” sambit ni Almeda.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *