MULING kinalampag ni Senador Mark Villar ang mga kapwa mambabatas para sa agarang pag-apruba sa panukalang batas na lulusaw sa buwis na ipinapataw sa mga biyaherong Pinoy. Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Villar ang nakabinbin Senate Bill 1870 (Travel Tax Abolition Act) na naglalayong pagaanin ang pasanin ng mga Pilipino bumabyahe sa ibang bansa. “Hindi dapat maging dagdag na pasanin ang pag-alis ng bansa, lalo na para sa mga Pilipinong bumabyahe upang magtrabaho, mag-aral, magpagamot, magnegosyo, o makasama ang kanilang pamilya. Panahon nang alisin ang travel tax at ibalik sa ating mga kababayan ang perang maaari nilang magamit sa mas mahalagang pangangailangan,” wika ni Villar. Taong 1977 — panahong pasok sa kategorya bilang pribilehiyo ang pagbiyahe sa ibang bansa, nang ipatupad ng pamahalaan ang paniningil ng travel tax sa bisa ng Presidential Decree 1183. Para kay Villar, dapat nang ibasura ang sinaunang polisiya, higit lalo sa panahong damang-dama ng bawat Pilipino ang bigat ng dagdag-pasanin sa tuwing bumabyahe patungo sa ibang bansa. Sa ngayon, pumapalo na sa P1,620 ang travel tax para sa economy-class, at P2,700 para sa first class seat. Sa bawat pamilyang may apat na miyembro, hindi biro ang P6,480 na buwis na ipinapataw ng gobyerno, bago pa man makasakay sa eroplano. “Malaking bagay na sa isang pamilya ang P6,480. Maaari itong ilaan sa pagkain, pamasahe, tirahan, gamot, o iba pang gastusin sa biyahe. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nararapat lamang na alisin natin ang mga singil na hindi na angkop sa kasalukuyang panahon,” dugtong ng senador. Sa sandaling ganap na maging batas, hindi na pwedeng maningil ng travel tax ang gobyerno – at maging ang mga airline companies. Tiniyak din ni Villar na mababawi sa bisa ng refund ang travel tax ng mga pasaherong maagang nag book ng flight sa araw ng bisa ng batas. Malaking bentahe rin aniya ang travel tax abolition na suportado ng mga bansang bahagi ng ASEAN Tourism Agreement na naglalayon isulong ang turismo sa timog-silangang Asya. Samantala, tiniyak ni Villar na hindi madidiskaril ang mga programa ng ahensyang may bahagi sa travel tax. Aniya, isasama na taunang General Appropriations Act ang pondong kailangan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Commission on Higher Education (CHEd) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). “Patuloy nating susuportahan ang turismo, edukasyon, at kultura, ngunit hindi kailangang manggaling ang pondo sa dagdag na singil sa mga Pilipinong bumibiyahe. Ang mga ito ay pambansang programa na dapat pondohan sa ilalim ng pambansang badyet,” anang senador. “Simple ang layunin natin: bawasan ang gastos, paluwagin ang biyahe, at bigyan ng mas malaking kalayaan ang bawat Pilipinong maghanap ng oportunidad saan mang panig ng mundo.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Cash gift ng mga senior citizens, iniipit ng NCSC Legarda hindi pa babalik, humirit pa ng extension