MATAPOS ang 21 araw na paglilitis sa kasong kinaharap ni Vice President Sara Duterte, mas lumutang ang mga ebidensya sa paglulustay ng pondo kesa sa umano’y pamumulitika laban sa pangalawang pangulo.

“Itong ating 21 trial days na dinaanan o natapos ay makikita po natin, ito ay hindi na tungkol sa personalidad, kundi ito ay tungkol sa mga ebidensyang nailatag,” wika ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong tagapayo at tagapagsalita ng House prosecution panel.

Ayon kay Barbers, mabigat ang mga ebidensyang nailatag — bukod pa sa rebelasyon sa testimonya ng mga saksi ng prosekusyon. 

Kabilang sa mga tinukoy ni Barbers ang mga testimonya ng mga bank officers, military personnel at kasalukuyan at dating opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) – kabilang ang mga taong pinagkatiwalaan ni Duterte.

Sa susunod na linggo, target ng prosekusyon tapusin ang inihaing Article 1 kaugnay ng umano’y maling paggamit sa P612.5 million confidential funds ng bise presidente.

Giit pa ng dating mambabatas, dapat manatiling nauunawaan at accessible ang proseso kahit sa labas ng impeachment court lalo pa’t buwis na galing sa dugo at pawis ng mga mamamayan ang usapin sa pagdinig ng impeachment court.

“Dapat pakinggan ito hindi lamang ng ating mga senator-judges kundi ng ating mamamayan. Dahil ito ay hindi na usapin ng political affiliation o kung saan ka mang partido,” dugtong ng House prosecution adviser.

“Dahil ito ay usapin na po ng pera ng taumbayan, dapat bawat singko ay magkaroon ng tamang accounting, mas malinaw kung saan pinagkagastusan ang pondo ng bayan para ma-picture po ng lahat ng ating mamamayan itong isyu tungkol sa Article I.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *