SA SANDALING matapos ang testimonya ng huling testigo ng prosekusyon kaugnay ng paglustay ng confidential and intelligence funds (CIF), isasalang naman ang mga ebidensyang magdidiin kay Vice President Sara Duterte sa tagong yaman.

Partikular na tinukoy ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ang Article 2 na nakatuon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo.

Ayon kay Luistro, pangunahing konsiderasyon para unahin ang Article 2 ang “availability” ng mga ipapa-subpoena na testigo.

Sa orihinal na plano, reklamong panunuhol ni Duterte sa ilang education officials ang nakatakda isunod.

Sa kalendaryo ng Senate Impeachment Court, tatlong testigo ang uupo sa witness stand para patunayan ang maling paggamit ng bise presidente sa P500-milyong CIF na inilaan sa Office of the Vice Presidente — bukod pa sa P112.5 milyon sa Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Kalihim ng nasabing ahensya.

Paglilinaw naman ng House lady lead prosecutor, hindi isasantabi o i-aatras ang pagprisinta ng bribery charge o ang Article III laban kay Duterte.

“We find it more prudent to advance unexplained wealth and we will finish with bribery,” tigas na sabi pa ni Luistro, bilang tugon sa usap-usapan sa umano’y plano ng prosekusyon na laktawan ang Article 3 ng impeachment complaint.

Ayon sa Batangas solon, mas mahabang trial days ang kailangan para sa paglalatag ng unexplained wealth charges dahil mas maraming dokumento ang hihimayin at ipapatawag na saksi.

Samantala, kumbinsido si House prosecution panel adviser and spokesperson Ace Barbers na mas magiging interesante ang susunod na impeachment article na isasalang ng prosekusyon.

“Pero what is interesting in the next article… napakarami pong ebidensya, documentary evidence that the prosecution will present to prove the allegations na merong talagang tagong yaman o unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman ang ating Pangalawang Pangulo kasama ang kanyang husband, ’yung kanyang asawa,” ayon pa kay Barbers.

“So siguro dapat subaybayan ng ating mga kababayan kung ano itong artikulong ito dahil napakahalaga na maintindihan ng ating mga kababayan na isang lingkod-bayan o isang public official must be transparent, must, ‘ika nga, live modest lives according to the statement, public office is a public trust, at dapat pagkatiwalaan ng taong-bayan, lalo na kung ang opisina o ang pwesto ay humahawak ng mga pondo ng bayan,” dugtong ng dating congressman.

Una nang kinumpirma ni House prosecutor Rep. Terry Ridon (Bicol Saro partylist) na nabigyan na sila ng Senate impeachment court ng kopya ng ilang banks at Bureau of Internal Revenue (BIR) records ng mag-asawang bise presidente at Atty. Manases Carpio. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *