SA ginawang pang-iinsulto sa umiiral na sistema ng hustisya sa bansa, higit na angkop tanggalan ng lisensya si Vice President Sara Duterte bilang abogado, ayon kay Manila Rep. Benny Abante. Iminungkahi rin ni Abante na tumatayong chairman ng House Committee on Human Rights, sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) tanggalan ng pribilehiyo si Duterte bilang IBP member. “Ako, palagay ko, sa akin dapat, talaga i-disbar yan,” wika ni Abante. “Mula pa nung nagbanta siya sa Presidente ng Pilipinas. Nagmura siya sa media. Oho. Eh dapat nang i-disbar eh,” dugtong ng kongresista. Giit ni Abante, ang mga salita at ginawa ni Duterte ay taliwas sa sinumpaang responsibilidad na kalakip ng pagiging abogado at pangalawang pangulo. “Hindi dapat ganun ang salita ng Vice President at salita ng isang abogado,” dagdag ng House panel chair — “Wala kang tiwala sa judicial system natin, eh ba’t abogado pa siya? ‘Di ba?” Hindi rin pinalampas ng kongresista ang banat ni Duterte sa kawalan ng tiwala sa law enforcement. “Wala siyang tiwala sa law enforcement agencies natin, ba’t ang dami niyang security guard? Ang dami niyang bodyguard? Ang daming nagbabantay sa kanya,” kantyaw ng Manila solon. “Sa akin lang po, ah, that is plain hypocrisy. Plain hypocrisy po ’yan. Very inconsistent sa mga salita niya,” aniya pa. “Kung wala siyang tiwala sa korte na ito, ba’t pinapauwi ang father niya dito sa Pilipinas? Kung wala siyang tiwala sa law enforcement agency, bakit pinapauwi niya ang tatay niya rito para dito litisin?” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Romualdez lipat-bahay muna sa PGH para sa pagsusuri