PARA kay Secretary Jonvic Remulla, napapanahon na muling magkaroon ng helicopter ang Department of Interior and Local Government (DILG) para sa pagsasagawa ng operasyon. Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget para sa DILG, partikular na tinukoy ni Remulla ang “specialized utility helicopter” na may kakayahan aniyang magbaba ng tao gamit ang lubid at magamit sa medical evacuation. Sa pagsasaliksik ng Saksi Pinas, lumalabas na maglalaro sa halagang P850 milyon hanggang P1.7 bilyon ang bawat unit ng twin engine model batay sa paglalarawan ni Remulla. Pag-amin ng Kalihim, pampasaherong helicopter lang ang ginagamit sa iba’t ibang uri ng operasyon ng PNP at maging ng iba pang kawanihan sa ilalim ng pinamumunuan ahensya. Sa datos na ipinrisinta ng DILG chief sa senado, tatlo na aniya sa walong helicopter ng PNP ang bumagsak sa nakalipas na apat na taon. Rekomendasyon pa ni Remulla, repasuhin ang sistema ng maintenance ng PNP at pag-aralan ang pagkuha ng pribadong kumpanya para sa pangkalahatang pag-aalaga ng mga air assets para matiyak ang kaligtasan sa tuwing lilipad para sa operasyon. Samantala, nanindigan si Senador Erwin Tulfo sa pangangailangan ng mga air assets na makakatulong sa PNP sa pagresponde sa mga sakuna, paglaban sa krimen at mga lumalapastangan sa kalikasan – lalo na sa mga malalayong lugar na talamak ang illegal logging at kaingin, tulad ng Palawan at Sierra Madre. “Sa ngayon, dalawang araw pa ang kailangang lakarin ng ating mga forest ranger para lang marating at mainspeksyon ang lugar ng illegal logging. Kung may nakahandang suporta sa himpapawid ang PNP, magiging mabilis at pangkasalukuyan ang pag-aksyon,” giit ng senador na tubong-Palawan. Sinuportahan naman ni Senate Committee on Finance chairman Sen. JV Ejercito ang panukala ni Tulfo. Bukod aniya sa Palawan at Sierra Madre, dapat din umanong magkaroon ng sariling air assets ang iba pang lugar tulad ng Cebu, Davao, at La Union para sa search and rescue operations, sakuna, at medical evacuation. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Not work, no pay sa mga politiko kasado sa Senado 5-year term ng barangay, SK aprubado sa Senado