SA nalalapit na pagtatapos ng termino bilang mambabatas, target ni Senador Robin Padilla lisanin na lang ang Pilipinas dahil sa aniya’y pangit na karanasan sa mataas na kapulungan. Sa isang panayam sa radyo, ibinahagi ni Padilla ang planong manatili na lang sa isang “Islamic country” kasama ang buong pamilya — malayo sa gulo ng politika. Hindi na rin umano siya tatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno kahit pa kabilang ang kanyang pangalan sa mga matunog na aspirante bilang bise-presidente sa 2028 national elections.. “Final na po iyon. Napagdesisyunan na iyan ng asawa ko,” diin ng senador. “Itutuloy na lang namin ‘yung aming plano sa isang Islamic country para mapalaki namin ‘yung anak namin sa isang Islamic na paraan,” dagdag pa niya. “Hindi ako bagay dito. Iba ang takbo ng politika ng Pilipinas, hindi siya para sa akin,” paliwanag ni Padilla. Matagal na umano nilang planong mag-asawa na manirahan sa abroad subalit pinakiusapan siya ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na tumakbo noong 2022 elections. Kabilang umano sa mga lugar na pinagpipilian nilang mag-asawa ang Brunei o sa Malaysia, parehong bansa sa Southeast Asia. “Nakapasyal na kami sa Brunei. Kung hindi diyan baka sakali Malaysia,” dugtong ng senador. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Delaying tactics solusyon ng depensa sa palapit na hatol Diskarteng asunto para ibaba threshold, itinanggi ni Barbers