ISINANTABI ng House prosecution ang mga haka-hakang sadyang ginagawan ng kaso ang mga miyembro ng minorya sa hangaring mapababa ang voting threshold na pinagbabatayan ng Senate impeachment court sa paglabas ng hatol. Giit ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers, walang kinalaman ang lupon ng tagausig sa mga kasong naging dahilan sa pagkakulong nina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta. Hindi rin umano dapat ibaling sa prosekusyon ang pagtatago ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na target ng arrest warrant mula sa International Criminal Court. Hindi rin aniya kontrolado ng House prosecution ang kalusugan ni Senador Loren Legarda na kasalukuyang nasa “extended medical leave” dahil sa malubhang sakit sa baga.” Ayon kay Barbers, ang problemang legal na kinakaharap ng ilang senador ay dapat tignan o timbangin base sa bigat ng mga ebidensya at hindi dapat agad na tignan na isang hakbang para manipulahin ang impeachment proceedings. “All these things are not fabricated. Parang sinisisi pa ’yung gobyerno na kaya merong mga kasong ganito, eh dahil inimbento against you,” wika ng dating kongresista. Binigyan-diin ng House impeachment adviser na nanatiling nakatuon ang atensiyon ng prosekusyon sa paglalatag ng mga matitibay na ebidensya at testigo laban sa bise presidente sa halip na sumawsaw sa usapin ng voting threshold. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Pinas lalayasan ni Robin pagkatapos ng termino Duterte kinalampag magpakita sa korte