HINDI dapat palampasin ng Senate impeachment court ang pang-iinsulto ni Vice President Sara Duterte sa paglilitis sa mga kinakaharap na kaso.
Ito ang iginiit ni House impeachment team adviser and spokesperson Ace Barbers, kasabay ng hamon sa mga senator-judges na manindigan sa integridad ng institusyon.
“This questions the integrity of the court, so dapat ito huwag palampasin. Dapat tingnan ito at silipin ng ating impeachment court kung ano ang nararapat na kanilang aksyon hinggil dito sa binitawang salita ng ating pangalawang pangulo,” wika ni Barbers.
Bagamat kinakatawan ng mga abogadong miyembro ng defense panel sa paglilitis ang nasasakdal, hindi angkop na patuloy ang pang-iinsulto ng pangalawang pangulo sa proseso.
“And yet, she issues statements that are insulting and attacks the integrity of the impeachment court,” anang dating Surigao del Norte lawmaker.
Tahasan namang sinabi ni Prosecution legal spokesperson and counsel Jay Tolosa na ang panibagong pag-atake ni Duterte ay hindi lamang paglabag sa sub judice rule — bagkus ay malinaw na contempt issue.
“Hindi lang ito violation ng sub judice, even contempt of court. These statements are not just inflammatory, but they attack the integrity of the court,” giit ni Tolosa.
“Kaya ito, we cannot take this lightly. Pakita natin dito na walang iniilagan, na kahit sino na saklaw ng rules ng impeachment proceedings na ito, dapat i-apply natin ’yan with equal force, equal strength. Kung magiging istrikto tayo, dapat pare-pareho ’yan sa lahat,” dagdag niya.
Para naman kay House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, dapat alalahanin na inisyuhan ng impeachment court ng show-cause order ang dalawang miyembro ng prosekusyon dahil umano sa public statements.
Si Duterte, na siya mismong nasasakdal, ay dapat aniyang saklaw din ng paghihigpit ng Senate impeachment court at ang mga pahayag ng bise presidente, na may kaugnayan sa pagsasakdal sa ay dapat binabantayan.
“Siguro panoorin po natin ngayon kung ano po ang magiging reaksyon ng ating kagalang-galang na impeachment court. Bagamat kami naniniwala na iyong mga ganitong pananalita ay dapat hindi pinapalagpas.”
