KUNG pagbabatayan ang dinaranas na kalbaryo ng mga mamamayan sa mga pampublikong pagamutan, lumalabas na hindi prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalusugan ng mga Pilipino
Sa isang panayam ng Bilyonaryo News Channel, partikular na tinukoy ni Dr. Tony Leachon ang mataas na gastusin na direktang binabayaran ng mga pasyente para ipagamot ang iniindang karamdaman.
Para kay Leachon, kailangan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng hanggang P800 bilyon hanggang 2028 para mapababa sa 38% ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.
“Para kay President Marcos, dapat P800 billion up to 2028 kahit staggered ‘yun para niya mapababa ‘yung 38% na sinasabi niya,” ani Leachon.
Taliwas naman ang posisyon ni Dr. Beverly Ho, na tumatayong presidente at chief executive officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Dr. Ho, maaaring bumaba mula sa projected na 44% tungo sa 41% o 38% ang out-of-pocket spending kung sapat ang pondong mailalaan sa PhilHealth.
Sa datos na nakalap mula sa Department of Budget and Management (DBM) P74 bilyon lang ang inilaan ngayong taon sa PhilHealth — malayo sa minimum na P540 bilyon na kailangan ng naturang ahensya.
Sa talaan ng mga bansa sa Asya, kabilang ang Pilipinas sa may pinakamataas na out-of-pocket health spending sa rehiyon.
“Dapat po ang Pangulo ng Pilipinas, prayoridad ang kalusugan. Hindi ‘yan mangyayari lahat. Kung ano ang gusto ng Pangulo, ‘yun ang masusunod. Sa tingin ko, hindi priority ng Pangulo itong kalusugan.”
