KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) na may 51 armas na nakapangalan kay Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Mans Carpio.
Sa pagharap sa senate impeachment court bilang testigo, sinabi ni Police Maj. Joe Rickson Sangalang, Records Division chief ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), na 22 ang nakarehistro sa pangalan ni pangalawang pangulo habang 29 naman ang nakarehistro kay Carpio.
“Si Vice President Sara po ay merong 22 firearms. Meron po siyang 14 na pistols, two revolvers, five rifles, of which tatlo po doon ay Class A light weapons, and isa pang shotgun,” salaysay ng PNP officer.
Ayon kay Sangalang, si Carpio naman ay mayroong 16 pistols, dalawang revolvers, isang shotgun at 10 rifles, kabilang ang isang Class A light weapon. Batay rin aniya sa rekord ng pambansang pulisya, isa sa mga baril ni Carpio ay expired na ang registration.
Paglilinaw ni Sangalang, ang mag-asawa ay kapwa mayroong Type 5 Licenses To Own and Possess (LTOP) firearms at maaari silang magmay-ari ng higit sa 15 registered firearms.
Sa pagtaya ng FEO, ang kabuuang halaga ng mga baril ng Duterte-Carpio couple ay aabot sa P7,220,370. Sa naturang halaga, nasa P2,184,550 ay sa bise presidente at P5,035,820 sa mister ng pangalawang pangulo.
Sa direct examination ni House Prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, nabanggit ni Sangalang na si Duterte ay mayroong M&P 9 compact pistol na nagkakahalaga ng ₱99,000; isang Winchester rifle na nagkakahalaga ng ₱120,000; at isang STI Legend pistol, na nagkakahalaga ng ₱167,000.
Tinanong naman ni Zamora ang tatlong Bushmaster rifles na nakarehistro kay Duterte, na ayon sa PNP officer ay nasa ₱200,000 ang halaga ng bawat isa, habang mayroon din HK rifle ang bise presidente, na ang kasalukuyang halaga ay nasa ₱300,000.
Tinukoy din ni Sangalang ang ilang baril na nakapangalan kay Carpio, na kinabibilangan ng isang Metro pistol, na nagkakahalaga ng ₱320,000; isang APC rifle na ang market price ay ₱600,500; at isang HK416 rifle, na aabot sa ₱900,000 ang halaga.
