PATAY ang tatlong binatilyong tambay makaraang pagbabarilin ng isang nagpakilalang miyembro ng Task Force Disiplina sa Barangay Batasan Hills sa Quezon City.

Kinilala ang mga biktima sa alyas Alcadan, 18-anyos, Grade 12; isang alyas JGCO, 16 taong gulang at alyas Suarez na pawang residente sa nasabing barangay.

Agad naman nadakip ang suspek na si Alvince Tolentino, 38-anyos, tauhan ng Task Force Disiplina.

Batay sa ulat ng Batasan Police Station (PS-6) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas 2:00 ng madaling araw nitong Lunes (Oktubre 12) nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Kalye Senatorial at Batasan-San Mateo Road, sa naturang lungsod.

Base sa imbestigasyon ni P/MSg Jonny Gallangi, napadaan umano ang lasing na suspek na sakay ng motorsiklo at sinaway umano ang grupo ng mga biktimang nakatambay dis-oras ng gabi sa lansangan.

Kwento ng mga saksi, bumunot ng baril ang suspek matapos sumagot ng pabalang ang mga biktima kumaripas ng takbo patungo sa Batasan-San Mateo Road.

Sakay ng motorsiklo, hinabol umano ng suspek ang mga biktima hanggang abutan sa isang eskinita ang mga biktima at agad na pinagbabaril bago tumakas.

Sa follow-up operation ng PS-6, naaresto ang suspek, Narekober din kay Tolentino ang kalibre .38 na revolver na karagado ng mga bala.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *