KUNG ang pagbabatayan ang forensic financial findings na iprinisinta ni Atty. Alexander Cabrera, mas malaki ng 67 percent ang “undeclared assets” ni Vice President Sara Duterte kumpara sa idineklarang yaman sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay House impeachment team adviser and spokesperson Robert Ace Barbers, malinaw ang major findings sa testimonya ni Cabrera — “hindi talaga nagtutugma ‘yung ilang financial records at mga deklarasyon na isinumite ng ating mag-asawang VP Sara at saka Atty. Mans sa ating gobyerno.” 

“Sinabi natin na meron silang violation sa SALN because there was a willful and deliberate concealment of material information doon sa SALN,” wika ni Barbers.

“That’s why it totaled to almost 818 million pesos na undeclared assets and cash ang kabuuan ng halaga ng hindi nila naideklara,” dugtong ng dating kongresista.

Ani Barbers, may mga pumapasok sa bank accounts ng mag-asawang Duterte at Atty. Manases Carpio na lampas sa idineklara sa income at tax returns.

Makikita rin aniya ang malaking financial transactions sa Metro City Chow Food Corp., Cale88 Foods Corp. at GenCorp Industries Inc., na mga kumpanyang konektado sa dalawa.

Sa panig ni House lead prosecutor Atty. Gerville Luistro, malaking dagok sa pangalawang pangulo ang pasabog ni Cabrera, partikular ang pagkakaroon ng limang Jollibee branches sa Davao City ng GenCorp.

“When I was presenting PhilGEPS, I thought isa lang. Lima pala ang branches ng Jollibee under GenCorp,” ani Luistro.

Matatandaan na unang iprinisinta ng prosekusyon ang pagkakaroon ng kontrata ng GenCorp sa Davao City government, na pinamunuan ni Mayor Sebastian Duterte, sa kabuuang halaga na P34.2 million. 

Nasilip din ni Cabrera ang mahigit sa P200 million undeclared corporate inflows sa GenCorp mula 2023 hanggang 2025. 

Samantala, sinabi ni Barbers na maaaring umabot sa P1.6 billion o doble pa sa naunang inilahad ni Cabrera na unexplained wealth ng Duterte-Carpio couple.

“I-doble mo na lang. Doblehin mo na lang ‘yung 817 [million pesos], malamang conservative pa ‘yon, no?” 

“Kasi if you recall, ‘yung ating witness sa [AMLC], ni-report niya merong 4.4 billion [pesos] na kabuuang covered and suspicious transactions, ‘di ba? ‘Yun lamang ‘yung nai-report. Eh ‘yung hindi po nai-report, hindi rin natin alam kung magkano ‘yung kabuuang amount niyan,” aniya pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *