SA gitna ng hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China, isang kataksilan sa bayan ang pagtanggap ng pondo mula sa mga dayuhang pilit umaangkin sa karagatang sakop ng bansa.

Para kay Deputy Speaker Jay Khonghun, higit na angkop imbestigahan ng Kamara ang nabunyag na P319-million remittances mula sa China at Hong Kong sa CALE88 Foods Corp. na pag-aari umano ni Atty. Manases Carpio, na  kabiyak ni Vice President Sara Duterte.

Giit ng ranking House official, hindi niya maaaring biguin ang malakas na panawagan ng mga kababayan niyang mangingisdang habang nababahala sa kanilang kabuhayan at buhay sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa agresyon ng Chinese maritime personnel.

Ang mas masaklap aniya, habang nasa peligro ang sitwasyon ng Zambales fisherfolk, may mga local registered corporations ang nagkakamal ng pera mula sa Chinese firm, na maaaring may koneksyon sa territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Hindi ko ipagpapalit ang kabuhayan ng ating mga mangingisda o ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea para sa pansariling interes ng sinuman. We will conduct a congressional investigation on this matter,” wika ni Khonghun.

Ginawa ng House Deputy Speaker ang pahayag matapos na matanggap nila ni Zambales 2nd District Rep. Doris Maniquiz ang isang manifesto ng small-scale fisherfolks mula sa mga bayan ng Sta. Cruz, Masinloc, Palauig, Iba at San Narciso.

Sa naturang manifesto ay umapela ang mga mangingisda sa national leaders na imbestigahan ang Chinese remittances sa Cale88 gayundin ang kahilingan palakasin ng gobyerno ang pagbibigay proteksyon sa kanilang traditional fishing grounds.

Tahasan namang hinamon ni Khonghun si Vice President Sara Duterte na magpaliwanag sa natanggap na daan-daang milyong pera ng korporasyong pag-aari ng asawa.

“VP Sara, bakit ka tumanggap ng pera galing China? Ang ating mga mangingisda ay itinataboy palayo sa ating sariling karagatan. Mas malaki ang nagagastos nila sa gasolina, mas kaunti ang huli, at nahihirapan silang pakainin ang kanilang pamilya. Ngayon ay nalaman nila na daan-daang milyon ang nanggaling sa China at Hong Kong patungo sa mga interes na may kaugnayan sa pamilya ng Vice President. Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa malinaw at tuwirang sagot.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *