GARAPAL ang katagang ginamit ni Caloocan City Rep. Edgar Erice para ilarawan ang umano’y kostumbre ng pamunuan ng Kamara sa alokasyon ng panukalang national budget sa susunod na taon.

Ayon kay Erice, ginagamit ng liderato ang sistema ng gantimpala para sa mga kaalyado, at parusa sa mga kritiko ng gobyerno.

Hayagang tinukoy ni Erice ang dambuhalang alokasyon ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na nakatanggap umano ng P30-bilyong pondo para sa mga infrastructure projects sa nasasakupang distrito, habang barya naman — kung hindi man “zero” sa mga mambabatas na kontra sa impeachment kay Vice President Sara Duterte.

Para kay Erice, hindi pangangailangan ng mga distrito at komunidad ang batayan ng paglalaan ng pondo kundi “political influence.”

“Their basis for allocations is not the need of the district, the need of the community,” ani Erice na kabilang sa 13 miyembro ng Kamara na bumoto laban sa 2027 General Appropriations Bill.

Katunayan aniya, bilyon-bilyon ang inilaan sa mga mambabatas na nagtulak ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.

Bukod sa malaking alokasyon sa mga kaalyado ng administrasyon, santambak din umano ang budget insertions na una nang pinuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Hindi rin nakalusot sa pagsusuri ng Caloocan congressman ang dobladong alokasyon ng chairman ng House Committee on Appropriations, bukod pa sa isa pang P1 bilyong una nang inilaan sa nasasakupang distrito sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Pag-amin ni Erice, mahalaga ang infrastructure spending sa ekonomiya pero lubhang mapaminsala sa mga lugar na pinagkaitan ng pondo dahil sa pulitika.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *