KUNG meron man pwedeng sisihin si Vice President Sara Duterte sa nalalapit na katapusan ng makulay na political career, walang iba kundi ang kanyang sarili.

Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang nabistong transaksyon batay sa official records na si Duterte mismo umano ang may gawa.

Una nang iginiit ni Duterte na walang batayan ang impeachment complaints na umano’y ginagamit ng mga katunggali sa pulitika para durugin ang kanyang pangalan bilang paghahanda sa nalalapit na halalan.

“Wala pong naratibo kung hindi po galing mismo sa mga dokumento ng Office of the Vice President (OVP). Ang vice president po mismo ang nagbanta,” pahayag ng Lanao del Sur solon.

“Wala pong nagbanta dito. Siya lang po yung nagbanta, and for everyone to see,” dugtong ng kongresista kaugnay ng binawing alegasyon hinggil sa pagbabanta ni Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta at dating House Speaker Martin Romualdez.

“Pangalawa, wala pong nag-order nitong confidential funds na ibigay kung hindi si vice president,” sambit din ni Alonto Adiong kaugnay ng Article II, na may kaugnayan sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), bank documents, Anti-Money Laundering Council (AMLC) records, tax filings at corporate records ng bise presidente at mister na si Atty. Manases Carpio.

Giit ng tagapagsalita ng House prosecution panel, lahat ng ebidensya ay nanggaling sa isang tao — isang impeachable officer, na pumirma sa mga dokumento, nagbukas ng accounts, gumawa ng transaksyon.

“Siya po hindi nag-divest ng kanyang businesses nung time na siya po ay na-elect as the highest official of the land. Bawal po yan sa constitution,” sabi pa niya.

Samantala, ipinunto rin ni Alonto Adiong na sa naihaing impeachment case, hindi si Duterte ang biktima, kundi ang mismong sambayanang Pilipino.

“Ang aggrieved party po dito, ang agrabyado po dito ang taong bayan, hindi po ang vice president. Tatandaan po natin yan,” aniya pa.

“Ang taong-bayan po ang agrabyado dito dahil pinag-uusapan po natin dito betrayal of public trust and culpable violation of the constitution. Pera po nila ang pinaglaruan. Ang taong bayan po ang aggrieved party dito.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *