POSIBLENG ganap na magwakas ang paglilitis ng Senate impeachment court sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte, matapos humiling ng walong trial days ang depense panel para sa pagharap sariling testigo at mga kontra ebidensya. Ayon kay House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers, handa na ang panig ng prosekusyon sa mas mabilis na impeachment trial lalo pa’t nakatuon na lang ang pagdinig sa Article II kasunod ng pagbawi sa tatlong articles of impeachment. “So, magmula ng November 9, meron pong eight trial days ang hinihingi ang defense panel dito sa Article Two, ‘yung unexplained wealth. At kung bibilangin natin, kung mag-uumpisa tayo ng November 9 plus eight trial days, assuming everyday ang trial, eh siguro matagal na po ‘yung mga two weeks,” wika ni Barbers. Una nang itinakda ng impeachment court ang muling pagsasagawa ng paglilitis sa November 9 hanggang 13, 19, 20 at 23, kung saan may ilang full-day session ang idaraos para sa presentasyon ng depensa ng argumento at pagbalanse na rin sa legislative responsibilities ng Senado at paghahanda sa ASEAN Summit. Sinabi naman ni Barbers na handa ang prosekusyon na tanggapin ang pag-stipulate sa mga uncontested evidence, na paraan para magkasundo ang dalawang panig sa authenticity ng dokumentong hindi na kailangan pang dumaan sa mahabang pagtatalo. “Sa aming panig, sa prosecution panig, para lamang mapabilis natin, pumapayag naman po sa mga stipulation ang ating prosecution panel on certain evidence na hindi na kailangan pag-awayan o pagdebatehan pa sa loob ng korte,” ani Barbers. “Papayag naman tayo dyan at ‘yan naman ang naging aksyon ng prosecution panel mula pa ng umpisa na there are instances na ang mga ebidensya ay para hindi na po humaba at hindi na po mapagtalunan dahil wala naman pinagtatalunan issue ay ito pong pinapayagan na lang na magkaroon ng stipulation,” dugtong niya. Tiniyak ni Barbers na matagal nang naghahanda ang prosecution panel sa cross-examination sa mga saksi ng depensa, gayundin ang pagsusuri sa mga ebidensya ilalabas ng kabilang panig. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Trump walang kinalaman sa pinabilis na paglilitis Leonen namumuro iluklok bilang punong mahistrado