HINDI pwedeng balewalain ng gobyerno ang pasya ng Korte Suprema hinggil sa legalidad ng 2026 national budget.

Sa isang pahayag, iminungkahi ng Office of the Solicitor General (OSG) ang Department of Budget and Management (DBM) na pansamantalang itigil ang paglalabas ng pondo habang hinihintay ang paglilinaw ng Korte Suprema hinggil sa legalidad ng unprogrammed appropriations.

“Sa amin po, ang ipapayo po namin sa DBM at sa ehekutibo ay pumorma na tayo na parang huwag muna tutal aasahan na madesisyunan ito kaagad,” ayon kay Solicitor General Darlene Berberabe.

Para kay Berberabe, kailangan linawin ang ilang bahagi ng desisyon lalo pa’t lubhang apektado ang pagpapatupad ng pambansang budget.

Kabilang sa mga dapat aniyang linawin ng Korte Suprema ang Special Provisions 1-A at 1-B sa 2026 budget, na ayon kay Berberabe ay ipinagbawal ng SC na galawin ng ehekutibo.

Paglilinaw ni Berberabe, pwede pang maghain ng motion for reconsideration  ang gobyerno sa Korte Suprema lalo’t hindi pa “final and executory” ang desisyon.

Inaasahan din ng SolGen na bibigyan ng ng prayoridad ang usapin upang hindi maapektuhan ang pagpapatupad ng natitirang bahagi ng 2026 budget.

Kinumpirma naman ni Budget Secretary Kim Robert de Leon na hindi sila maglalabas ng pondong bahagi ng kinukuwestiyon ng SC.

“The executive is not releasing anything as of now triggered by Sections 1-A and 1-B as covered by the Supreme Court decision,” ani De Leon sa budget hearing ng Senate Committee on Finance. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *