POSITIBONG inginuso ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kaalyado ni former President Rodrigo Duterte na umano’y utak sa likod ng naunsyaming pagpupuslit ng nasa P3.5-bilyong halaga ng droga.

Sa ginanap na briefing sa Kamara, personal na ipinrisinta ni PDEA Director General Isagani Nerez sa House Committee on Dangerous Drugs ang mga ebidensyang nagtuturo kay dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang, alyas “Sultan,” na mastermind batay sa salaysay na nakalap ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Taong 2019 nang itinalaga ni Duterte si Rimbang sa Bangsamoro Transition Authority Parliament. 

Sa nakalipas na Bangsamoro parliamentary elections, kumandidato sa ilalim ng PDP-Laban si Rimbang, subalit hindi pinalad.

“Hindi lang kapitalista si Rimbang. Siya ang utak ng sindikato,” ani Nerez bilang tugon sa pag-usisa ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima.

Gayunpaman, inamin ni Nerez na wala pang hawak na salaysay ni Rimbang ang ahensya.

Una nang tinukoy ni Remulla si Rimbang bilang “financier” sa nabulilyasong drug smuggling.

Pinangalanan din ng Kalihim si Police Executive Master Sergeant Aileen Mendoza, ng PNP-Aviation Security Group bilang isang person of interest dahil ito umano ang nag-ayos ng arrival flight ng eroplanong gagamitin sa pag-transport ng nasabing droga.  

Isa namang Capt. Rioklyn Toledo naman, na dating commercial airline pilot, ang nag-ayos ng private aircraft at magiging pagbiyahe nito mula Malaysia patungong Laos.

Base sa paunang reports, ang illegal drugs ay nasabat sa Luang Prabang International Airport, na nakalagay sa 23 maletang idineklarang naglalaman ng vape products at dumaan sa customs clearance bago ikinarga sa Manila-bound chartered Learjet 55B. 

Ayon naman kay Las Piñas Rep. Mark Santos na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, pangunahing tututukan ng sa imbestigasyon ng Kamara ang pagkalap ng mga ebidensiya, paglilinaw sa naging papel ng mga tinukoy na indibidwal at pagtukoy kung kinakailangan pa magkaroon ng legislative o law enforcement action.

“We will follow the evidence wherever it leads. No one should be beyond scrutiny when the objective is to protect the public from the illegal drug trade. At the same time, allegations must be examined fairly, and every individual must be given the opportunity to respond.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *