DALAWA ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan matapos ang panibagong insidente ng pagtagilid ng trak sa Barangay Payatas, Quezon City. Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), kinilala ang mga biktimang sina alyas Marvin, 34, taxi driver at mga pasaherong sina Melody, 39; Donna, 43; Marivic, 21; Allain, 21, parehong estudyante, at Alberto, 36-anyos. Base sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, alas-8:50 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Payatas Road sa Barangay Payatas. Kwento ng ilang saksi, nawalan umano ng kontrol ang dump truck, tumagilid at nadaganan ang katabing taxi. Naipit ang drayber at ang mga sakay na pasahero. Sinubukan ng drayber ng Toyota na iwasan ang trak, ngunit tinamaan pa rin ito ng kaliwang bahagi ng likuran ng trak. Damay din ang isang motorsiklo sa nasabing insidente. Katuwang ang QCPD, agad na rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa rescue at extraction operations kasama ang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ang Urban Search and Rescue team. Dinala ang mga nasugatan sa Rosario Maclang Bautista General Hospital at East Avenue Medical Center. Nabatid na ang dump truck ay pag-aari ng isang kontratista ng isang lokal na pamahalaan. Binibigyan na ng tulong ng QC Social Services and Development Department (SSDD) ang mga biktima. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring aksidente. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Peryodista arestado sa cyber libel, media sector pumalag