KAILANGAN ipaliwanag ni Vice President Sara Duterte kung bakit P21.13 million lang ang idineklara sa kategorya ng ng “other personal properties” na nakapaloob sa isinumiteng 2024 Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN). Ayon kay House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers, ang naturang halaga ay malayo sa P81.84 million na insurance at investment transactions na nabunyag sa ipinrisintang datos mula sa iba’t ibang records at testimonya ng ilang private firms. Ayon kay Barbers, ang kabuuang insurance at investments na binayaran ng pamilya Duterte “sa taong 2024 ay umabot ito ng 81.84 million pesos.” Subalit kung titignan ang 2024 SALN ng bise presidente, P21.13 million lang ang idineklarang “other personal properties.” “Hindi siya nag-match o hindi siya nagtugma doon sa others,” mariing sabi pa ni Barbers. “Tandaan po natin na ang SALN ay isang sinumpaang deklarasyon or sworn declaration o sinumpaang dokumento,” dugtong niya. Pagbibigay-diin ni Barbers, isang mabigat na kasalanan ang maling pagdedeklara ng SALN hindi lamang para sa isang impeachable official gaya ni Duterte kundi maging sa sinumang sa hanay ng government personnel at officer. Matatandaan na sa Article II ng impeachment charge laban sa bise presidente, inaakusahan ito ng hindi maipaliwanag na yaman, maling pagdedelara ng assets o net worth at paglabag sa pagbabawal na magkaroon ng business interests. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Santambak na armas, dapat ipaliwanag ni Duterte Batas kontra libel target rebisahin, amyendahan