NAPAPANAHON nang pag-aralan muli ang batas kontra kasong libelo, ayon kay Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon.

Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Ridon ang pag-aresto kay veteran journalist Philip Lustre Jr. kamakailan.

Giit ni Ridon, higit na kailangan balansehin ang proteksyon ng mamamayan, gayundin ang mga mamamahayag.

Ani Ridon, dapat busisiin ng Kongreso kung ang mga kasalukuyang batas patungkol sa libel ay patas na nagbibigay ng paraan para ipagtanggol ang reputasyon ng bawat isa, habang tinitiyak na malaya at tamang nakapag-uulat ang media.

“Protect reputations, yes. Silence the press, no,” wika ni Ridon.

“Journalists should not be afraid to ask tough questions,” dagdag niya.

“Reviewing the law is not about protecting anyone from accountability. It is about making sure the law is fair—and that the public is not left in the dark,” diin ni Ridon.

Para sa naturang kongresista, lubhang nakababahala ang sinapit ni Lustre, na inaresto batay sa cyber-libel case na isinampa ni Atty. Manases Carpio, mister ng nasasakdal sa impeachment trial na si Vice President Sara Duterte.

Giit ng batikang mamamahayag, wala siyang kaalam-alam sa kinakarap niyang kaso, partikular ang inihain laban sa kanya ni Carpio sa Davao City Regional Trial Court kung saan naisyuhan siya ng arrest warrant na basehan ng pagdakip.

Panawagan ng partylist congressman, busisiin ang batas kung ang criminal prosecution ay nagagamit bilang banta para magdalawang-isip ang mamamahayag na magbalita ng kontrobersyal na isyu.

Bukod kay Lustre, binanggit din ng Bicol Saro partylist lawmaker ang cyber-libel case na isinampa naman ni Davao City Rep. Paolo Duterte laban sa ilang opisyal at reporter ng GMA network news na aniya’y banta rin sa freedom of the press.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *