KUNG ang pagbabatayan ang nakalap na datos ng isang research group, mas maraming Pinoy ang nagnanais na hatulan ng “guilty verdict” si Vice President Sara Duterte. Batay sa resulta ng pinakahuling Momentum Research survey, lumalabas na 38.8 percent ng mga nakapanayam na mamamayan ang nagsabing karapat-dapat na basahan ng guilty verdict ang pangalawang pangulo. Para kay House Prosecution Panel adviser and spokesman Ace Barbers, malinaw ang pahiwatig ng datos na kumakatawan sa sentimyento ng mga Pilipino — kailangan itaguyod ang pananagutan at pasurahan ang nagkasalang impeachable official. Sa survey na isinagawa sa pagitan ng Oktubre 16 at 19, 38.8 percent ng Filipino adults ang naniniwalang dapat na mahusgahang guilty ang bise presidente sa akusasyon ng unexplained wealth kumpara sa 33.8 percent ang nais siyang mapawalang sala.. Nasa 22.6 percent ang hindi pa nakatitiyak at 4.7 percent tumangging magbigay ng sagot. “Malinaw ang mensahe ng survey: mas marami ang pabor sa conviction kaysa acquittal. Hindi basta-basta nawawala sa isip ng taumbayan ang usapin ng pananagutan, lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang yaman ng isang mataas na opisyal ng gobyerno,” ani Barbers. Ayon sa former Surigao del Norte congressman at governor, hindi maaaring balewalain ang agwat na five-percentage-point ng mga hindi nanalig sa nasasakdal lalo’t ang paglilitis ay nakatuon sa akusasyon naghahangad ng malinaw at kapanipaniwalang kasagutan o pagpapaliwanag. “Hindi sapat ang popularidad, apelyido, o lakas ng political machinery para sagutin ang mga seryosong tanong tungkol sa yaman at mga deklarasyon ng ari-arian,” dagdag pa niya. Hinggil sa naman sa 22.6 percent ng respondents ang nanatiling undecided, sinabi ng Mindanaoan solon na isang mahalagang paalala ito sa prosekusyon na dapat ipagpatuloy ang pag prisinta ebidensya sa malinaw at maayos na pamamaraan. “Ang hamon sa prosecution ay hindi ang makipagsabayan sa ingay ng pulitika, kundi ilatag ang mga dokumento, financial records, at mga katotohanang dapat suriin ng korte,” ani Barbers. “Ang mensahe natin ay simple: walang opisyal na dapat maging exempted sa pananagutan. Kung may mga tanong tungkol sa yaman na hindi maipaliwanag, sagutin ito nang malinaw at harapin ang ebidensya. Hindi dapat manaig ang propaganda sa katotohanan, at hindi dapat manaig ang kapangyarihan sa hustisya.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation BSP: Inflation rate sa Pinas posibleng pumalo sa 8.1%