POSIBLENG maharap sa kasong tax fraud o pandaraya sa pagbabayad ng buwis ang mga negosyong iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio dahil sa sinasabing pagkakaroon ng discrepancies o kaibahan sa financial records ng mga kumpanya

Sa isang pahayag, partikular na pinagbatayan ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang forensic financial analysis ni Atty. Alexander Cabrera.

Lumalabas aniya sa pagsusuri ni Cabrera na may undeclared income, na lampas na 30-percent threshold sa ilalim ng National Internal Revenue Code (NIRC) ang GenCorp Industries Inc., Metro City Chow Foods Corp. at Cale88 Foods Corp. na pinaniniwalaang pag-aari ni Duterte at asawang si Carpio.

Sa pagbusisi aniya ni Cabrera sa financial records ng tatlong kumpanya, aabot sa P1.05 billion ang discrepancy ng GenCorp, dahil mula 2022 hanggang 2025 ay mayroon itong bank inflows na tinatayang nasa P2.58 billion habang P1.53 billion lang ang idineklarang kita.

Sa kanya ring testimonya sa Senate impeachment court, sinabi ng forensic financial expert na P99.65 million ang discrepancy ng Metro City Chow, na sa nasabing mga taon din ay nagkaroon ng bank inflows na P241.87 million kumpara sa idineklara nitong kita na P142.22 million, habang nasa P260 million naman ang discrepancy ng Cale88.

Paalala ni Alonto Adiong, base sa Section 248(B) ng NIRC, maituturing na under declaration ng sales ang receipts o income na lampas sa 30% ang idineklarang halaga at maging paunang ebidensiya rin ito para sa false o fraudulent tax return.

“Ang Tagalog po ng prima facie is sa unang tingin na pag sumobra ng 30% ang kita ng kumpanya na hindi mo idineklara sa iyong isina-submit sa BIR na dapat na kita mo kasi doon ibabase ’yung babayaran mong tax sa gobyerno. Ang sinasabi po ng tax code natin ay sa unang tingin meron pong false or fraudulent return,” anang Lanao del Sur lawmaker.

“Hindi mo binabayaran ng tamang buwis ang gobyerno base sa tama mong kita,” dagdag niya.

Punto ni Alonto Adiong, ang hindi binayarang buwis ay malaking kawalan sa dapat ay pondo ng gobyerno, na magagamit sa pagkakaloob ng iba’t-ibang serbisyo, programa at proyekto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *