KUNG tama o malinis si Vice President Sara Duterte sa mga kinakaharap na paratang, angkop lang na sagutin ng depensa ang mga ebidensyang ipinrisinta ng prosekusyon sa Senate impeachment court. Para kay House prosecution spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, ang impeachment charge laban sa bise presidente ay kailangan pagpasyahan batay sa katotohanan, financial records at constitutional accountability, na hindil dahil lamang sa political alliances o public theatrics. “Hindi dami ng testigo ang sukatan ng katotohanan. Ang mahalaga ay kung masasagot nila ang mga dokumento at numerong inilatag ng prosekusyon,” wika ni Barbers. Ayon sa dating kongresista, ang mahalagang usapin ay kung ang declared assets ni Duterte sa isinumiteng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay tugma sa financial records at iba pang documentary evidence inilahad ng prosekusyon. “Kung tama at malinis ang lahat ng transaksyon, dapat kayang ipaliwanag ang bawat numero. Hindi sapat ang pagtanggi o pagdududa sa mga dokumento. Kailangang sagutin ang mga ito ng malinaw, konkretong paliwanag at katibayan,” hamon ni Barbers sa mga abogado ng pangalawang pangulo. Aniya, hindi dapat magmistulang palakasan ng impluwensya, o labanan ng propaganda ang impeachment proceedings. “Ang impeachment trial ay hindi paligsahan ng kasikatan, kapangyarihan o political loyalty. Ito ay pagsusuri sa pananagutan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno. Let the documents speak. Let the numbers be examined. And let the truth determine the outcome,” aniya pa. Kabilang sa kinukuwestyon ng prosekusyon ang pagdedeklara ni Duterte ng pagkakaroon ng shares of stocks sa GenCorp Industries Inc. gayunding wala sa corporate records ng huli ang pangalan ng nasasakdal sa impeachment trial. “May posibilidad na may interest siya sa GenCorp ngunit nakapangalan sa iba ang mga dokumento,” dagdag ni Barbers. Naniniwala ang dating Mindanaoan lawmaker na dapat mabusising mabuti ang common shareholders ng GenCorp na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC). “Ang tanong, anong kumpanya ang tinutukoy niya kung saan siya ay namumuhunan? At bakit paulit-ulit na nagdeklara ang kumpanyang GenCorp sa kanyang SALN?” Hinamon din ni Barbers kampo ni Duterte na maglabas ng ebidensya, at hindi puro sa salita lamang, hinggil sa pag-divest ng pangalawang pangulo ng mga business interest bago nanungkulan bilang bise presidente noong 2022. “Kung malinis ang lahat, madali itong sagutin. Ipakita ang deed of sale, ipakita ang eCAR, ipakita ang pagbibitiw sa board, ipaliwanag kung bakit nasa SALN ang GenCorp pero wala sa GIS.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Pondo kontra Super El Niño, bantay sarado sa Kamara Bagong Chief Justice, ihahayag ni Marcos ngayong linggo