TULUYAN nang pinapelan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagtugis kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at sa iba pang puganteng hindi kayang dakpin ng Philippine National Police (PNP).

Sa isang panayam sa radyo, ibinida ni NBI Director Melvin Matibag ang pagbuo ng special unit na tutugis sa puganteng senador na pakay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.

Bukod kay Dela Rosa, kasama rin sa tutuguisin ng NBI sina former Presidential Spokesperson Harry Roque, dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.

Sa apat na target, sina Dela Rosa at Bantag lang ang nasa Pilipinas, batay sa departure record ng Bureau of Immigration.

“We’re doing our best. Hindi naman po kami nag-let up, hindi po kami huminto. Actually, I created a unit dedicated to searching for these individuals,” ani Matibag.

Kapwa may pabuyang inilaan ang pamahalaan sa anumang impormasyon para sa ikadarakip ni Dela Rosa at Bantag.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *