KINUWESTYON ng isang dating mambabatas ang pagtanggap ni Vice President Sara Duterte ng P1-milyon kada taon, sa labas ng sahod bilang pangalawang pangulo.

Partikular na tinukoy ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers ang rekord ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Batay aniya sa datos ng BIR, nagkaroon umano ng tig-isang milyong ganansya — bukod pa sa sweldo, ang bise-presidente sa magkasunod na taon ng 2024 at 2025.

Para kay Barbers, dapat ipaliwanag ni Duterte kung saan nagmula ang naturang kita sa labas na tinatanggap na buwanang sahod sa gobyerno bilang pangalawang pangulo..

“Ang line of business sa kanyang certificate ay nakalagay, legal activities,” sabi pa ni Barbers. 

“At may kita siya dito bukod sa kanyang sahod sa pagiging VP na P1.06-M noong 2024, P1.08-M noong taong 2025,” dugtong ng dating kongresista sa “other income” na nakatala sa income tax return na isinumite ng bise presidente sa BIR

Nabatid na ang bise presidente ay mayroong BIR certificate of registration kung saan nakadeklara ang pagkakaroon ni Duterte ng legal activities o pagtanggap ng kliyente bilang abogado.

“At dahil dito, ang basa ng BIR, o ang presumption ng BIR, kita iyan mula sa kanyang propesyon,” giit ni Barbers.

Naninindigan ang prosekusyon na nakasaad sa Saligang Batas ang pagbabawal sa mga matataas na opisyal, kabilang ang bise presidente na magkaroon ng ibang propesyon o hanapbuhay at negosyo habang nasa pwesto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *