HINDI naputol ang paghahatid ng iba’t-ibang serbisyon para sa mga mamamayan ng Leyte first congressional district sa kabila nang ipinataw na 90-day suspension na ipinataw kay Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez. Ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre ng Tingog Partylist, mismong district office ni Romualdez ang tumutugon sa hinihinging tulong ng mga nasasakupan. Kabilang aniya ang hospital expenses, educational assistance at iba pang mahahalagang serbisyo. “Ang mahalaga, tuloy-tuloy ang serbisyo sa ating mga kababayan sa Leyte. Hindi dapat maantala ang pagtulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga pamilyang may gastusin sa ospital at pagpapaaral ng kanilang mga anak,” pahayag ni Acidre kasabay na rin nang pagbati sa kaarawan ng dating lider ng Kamara noong nakaraang Sabado. Sinabi ni Acidre na ang office staff ni Romualdez ay patuloy na nakatatanggap ng requests for assistance at aktibo pa rin itong nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Giit ng House panel head, nananatiling prayoridad ng district office ng dating House Speaker ang paghahatid ng serbisyo publiko sa hanay ng mga pamilyang umaasa sa government assistance para sa medical, educational at iba pang basic needs. “Matagal nang nakasanayan ng ating mga kababayan na lumapit sa tanggapan ni Congressman Martin para humingi ng tulong. Ang mahalaga ngayon ay matiyak na patuloy silang napaglilingkuran at natutugunan ang kanilang mga pangangailangan,” saad pa ni Acidre. Kabilang sa mga nasasakupan ng distro ni Romualdez ang Tacloban City, mga bayan ng Palo, Tanauan, Tolosa, Santa Fe, Alangalang, Babatngon at San Miguel. Sa tagal nang panunungkulan ng former House Speaker, naitaguyod ang mga programa at pagtulong sa mga mamamayan ng kanilang distrito, lalo na ang mga nahaharap sa problemang pinansyal. Tiniyak ni Acidre na sa kabila ng suspensyon kay Romualdez, maaari pa rin makipag-ugnayan sa district office ng huli ang mga residenteng nais na humingi ng tulong at may iba pang pangangailangan. “Kung may nangangailangan ng tulong para sa pagpapagamot, pag-aaral o iba pang pangunahing pangangailangan, dapat may malalapitan pa rin sila. Ang serbisyo publiko ay para sa mamamayan at dapat magpatuloy.” “Ang ating pangunahing layunin ay matiyak na walang kababayan sa Leyte ang mapapabayaan. Patuloy ang pagtanggap ng mga kahilingan at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga nangangailangan,” dugtong niya, “Hindi dapat tumigil ang pagtulong sa ating mga kababayan. Ang pangangailangan ng mga tao ay araw-araw, kaya dapat araw-araw din ang ating malasakit at serbisyo.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation P.6 milyon para sa ICB 6-stag derby champion