PARA kay Senador Mark Villar, higit na angkop ang estratehikong paggastos na nakasentro sa prayoridad ng gobyerno.

Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Villar ang mga proyektong pang-imprastraktura na may mataas na balik-ekonomiya upang mapabilis ang paglago ng kabuhayan ng bansa, makalikha ng maraming trabaho, at kakayahan makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.

Sa deliberasyon ng Senado hinggil sa panukalang 2027 national budget, sinabi ni Villar na nananatiling malaking hamon ang ekonomiya ng bansa, kung saan nasa humigit-kumulang 2.1 percent lang ang paglago ng GDP.

Bagsak din aniya sa 4.3 percent ang sektor ng agrikultura, habang usad-pagong naman umano ang konstruksyon kasabay ng pagbaba ng paggastos ng pamahalaan at paghina ng pribadong pamumuhunan.

Sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng pribadong sektor, iginiit ni Villar na kailangan manguna ang pamahalaan sa pagpapasigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapabilis ng paggastos at pagtutok sa mga pamumuhunan na may malinaw at nasusukat na pakinabang sa ekonomiya.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa mga proyektong pang-imprastraktura na dumaan sa masusing pagsusuri ng National Economic and Development Authority (NEDA), base sa potensyal na maghatid ng mas malaking pakinabang sa ekonomiya. Kabilang sa mga proyektong binanggit niya ang Cavite-Bataan Bridge at Laguna Lakeshore projects.

Ayon kay Villar, tinatayang nasa 15 percent ang economic rate of return ng Cavite-Bataan Bridge, na nagpapakita ng potensyal makalikha ng mas malaking halaga sa ekonomiya kumpara sa paunang halagang inilaan para sa paggawa ng naturang imprastraktura.

“Dapat tayong mamuhunan sa mga proyektong tulad nito na may mataas na economic rate of return,” ani Villar.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng napapanahong proseso ng procurement ng pamahalaan, lalo na sa unang anim na buwan ng taon, upang maiwasan ang pagkaantala sa implementasyon ng mga proyekto dahil sa hindi kanais-nais na lagay ng panahon tuwing tag-ulan. Aniya, ang pagpapaliban sa procurement at pagsisimula ng mga proyekto ay maaaring magpabagal sa paggastos ng pamahalaan at makabawas sa ambag ng imprastraktura sa paglago ng ekonomiya.

Ipinaliwanag din ni Villar na kailangan maisagawa ang procurement sa unang bahagi ng taon upang masimulan agad ang mga proyekto bago dumating ang mga buwan na mas madalas ang pag-ulan.

Dagdag pa niya, hindi lamang malalaking kalsada at tulay ang dapat pagtuunan ng pansin sa imprastraktura. Kabilang din dito ang mga riles, pantalan, paliparan, access roads, at bypass roads na makakatulong sa pagpapabuti ng koneksyon sa iba’t ibang lugar, pagsuporta sa mga lokal na industriya, at pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya.

Binigyang-diin din niya na mahalagang mapabilis ang paglago ng ekonomiya upang mapanatili ang kakayahan ng pamahalaan na tugunan ang mga obligasyong pinansyal nito, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng utang ng bansa.

“Napakagandang pormula nito para sa paglago ng ekonomiya. Mangungutang ka sa interes na 1 hanggang 2 percent, ilalagak mo ito sa mga proyektong may 15 percent na balik-puhunan, at makalilikha ka ng paglago sa ekonomiya,” ani Villar.

Umaasa si Villar na mas pagtutuunan ng pansin sa susunod na budget season ang mga proyektong may mataas na pakinabang sa ekonomiya, kabilang ang mga access road, bypass road, at iba pang imprastrakturang magbubukas ng mga bagong oportunidad para sa pag-unlad ng mga komunidad at rehiyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *