PALAISIPAN para sa Philippine Coast Guard (PCG) ang pananatili ng walong sasakyang-dagat ng bansang China sa West Philippine Sea, partikular sa Bajo de Masinloc sa lalawigan ng Zambales.
Sa ulat na sinumite ng PCG sa Department of National Defense (DND), apat sa walong barko na naispatan sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone ang may marka ng China Coast Guard habang ang nalalabi naman at pinaniniwalaang Chinese maritime militia ships.
Ayon sa PCG, hindi halos umaalis sa pwesto ang mga naturang Chinese vessels sa loob ng siyam na araw ng kanilang pagpapatrolya sa naturang bahagi ng karagatan, habang sakay ng BRP Teresa Magbanua.
“BRP Teresa Magbanua professionally engaged the Chinese maritime ships through radio, reiterating the clear and principled position of the Philippines in accordance with international law,” saad sa isang pahayag ng bantay-dagat.
Bukod sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea, isa anila sa dahilan ng paglalayag ng PCG ay ang mamahagi ng pagkain sa tinatayang 100 mangingisdang Pilipino sa naturang bahagi ng karagatan.
“The coast guard’s white ships will consistently ensure Filipino fishermen’s safety and welfare,” ayon kay Admiral Ronnie Gil Gavan, commandant ng PCG.
Taong 2012 nang simulan ng mga Tsino ang agresibong galaw sa West Philippine Sea sa paniwalang sakop pa rin ng China ang anyong tubig .
